Maute sa Marawi dumarami

Naka-piring ang mga mata ng suspected Maute members habang ibinibyahe matapos mahuli ng tropa ng gobyerno sa Marawi City sa kasagsagan ng bakbakan. (AFP)

MANILA, Philippines - Nadagdagan pa ng 200 hanggang 250 ang puwersa ng Maute-ISIS fighters na patuloy na lumalaban sa government forces sa ika-12 araw ng krisis sa Marawi City, Lanao del Sur.

Una nang sinabi ng AFP na tatapusin nila ang Maute sa Marawi City kahapon bagay na hindi nangyari at patuloy pa ring malakas ang puwersa ng teroristang grupo sa lungsod.

Sa unang pagtaya ni Brig. Gen. Rolando Joselito Bautista, Commander ng Task Force Marawi, nasa 40 terorista na lamang sa tatlong barangay sa Marawi ang kanilang target pero habang papalapit ang security forces sa pinagtataguan ng mga ito ay napapansin ng tropa ng mga sundalo na dumarami ang mga kalaban.

Base pa sa report, ang Maute terrorists ay nagsisipagtago sa mga gusali at may mga tunnel din na pinagkukublihan ang mga ito.

Dahil dito, humingi pa ng ilang araw na palugit si Bautista para mapalaya ang Marawi City matapos na mabigong matapos ito sa loob ng isang linggo na palugit ni Defense Sec. Delfin Lorenzana.

“It could last for days and more, we are doing our best to rescue the trapped civilians and the hostages, we want to finish the crisis soon,” pahayag ni Bautista.

Bagaman inamin ng AFP na may foreign terrorists na kasama ng Maute kabilang ang 8 napatay ay hindi pa makumpirma ang eksaktong bilang ng mga ito.

Sa ngayon nasa 3,000 sundalo kabilang ang tatlong batalyon ng Philippine Marines ang sumasabak sa bakbakan.

Pinaniniwalaan namang kasama ng nalalabi pang Maute-ISIS si Abu Sayyaf Commander Isnilon Hapilon.

Aminado naman si AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla Jr., na nahihirapan ang tropang gobyerno na tapusin kaagad ang krisis sa Marawi City dahil ginagamit ng mga terorista na ‘human shields’  ang mga hostage na sibilyan partikular na ang mga bata.

Ayon sa isang sibilyan na sugatang nasagip kahapon, nakita niya ang mga nagkalat na bangkay na nagsisimula ng maag­nas sa mga kalsada, sulok at maging malapit sa kanilang pinagtaguan.

Sabi naman ng mga opisyal, ang mga ito ay maaring mga sibilyan at ang iba ay mga terorista.

 

Show comments