Marawi crisis: 100 na patay

Makikita sa larawan ang mga bangkay na narekober ng pulisya at ng mga Disaster Team sa loobang bahagi ng Marawi City. nakahilira ang mga narekober na bangkay na karamihan ay mga sibilyan na pinaslang ng mga Maute Terror Group. Tadtad din ng tama ng bala ang isang gusali sa nangyaring engkwentro ng militar sa mga teroristang Maute Group. Rhoderick Beñez

MANILA, Philippines - Mahigit 100 katao na ang napaslang sa ika-pitong araw ng bakbakan ng tropa ng pamahalaan at Maute-ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa  Marawi City, Lanao del Sur.

Ayon kay Lt. Col. Jo-ar Herrera, spokesman ng Army’s 1st Infantry Division (ID), kabilang sa mga napaslang ay 61 mula sa Maute at ilang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na mga tauhan ni Commander Isnilon Hapilon.

Sinabi ni Herrera na sa 61 napatay na Maute, 42 dito ay narekober ang mga bangkay sa encounter site habang 19 ay base sa testimonya ng mga assets at mga testigo.

Samantala, 20 naman sa security forces ay napatay sa bakbakan, 16 dito ay mga sundalo at apat ang pulis kabilang ang dalawang opisyal. Ang umaatikabong bakbakan ay patuloy sa kabila ng Ramadan.

Naitala rin na lumobo na sa 27 sibilyan ang nasawi mula sa unang datos na 19.

Ayon kay Herrera mayroon silang nakitang panibagong mga bangkay ng mga hinihinalang empleyado ng isang rice mill at medical college na pinaslang ng Maute.

Una nang natagpuan ang bangkay ng apat na lalaki, tatlong babae at isang bata malapit sa Mindanao State University (MSU) habang walong bangkay ng lalaki naman ang nakita sa Brgy. Matampay na pawang may nakadikit na karatulang ‘munafiq’ na nangangahuluhan na mga traydor sa Muslim at mga ipokrito.

Inatasan ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año sa tropa ng militar na tapusin ang krisis sa lalong madaling panahon para mapanumbalik na sa normal ang sitwasyon sa lungsod.

Pangunahing misyon ng tropa ay masagip ang mga hostages at iba pang sibilyang na-trap sa bakbakan na tinatayang nasa 3,000 residente.

 

Show comments