MANILA, Philippines - Dahil sa isinampang poll protest ni dating Senador Bongbong Marcos ay nabawasan ng mahigit sa P2 milyon ang yaman ni Vice Pres. Leni Robredo base sa isinumite nitong State of Assets, Liabilities and Networth (SALN).
Ito ang nabatid sa legal adviser ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez matapos mapilitang magsalita ukol sa P2 million na nabawas sa kanyang yaman sa isinumiteng SALN kasabay nang pagsasabing ito ay dahil na rin sa ginawang protesta ni Marcos na natalo sa vice presidential race.
“Vice President Leni Robredo’s net worth decreased due mostly to expenses in relation to the Election Protest filed by Bongbong Marcos,” ani Gutierrez.
Kabilang umano sa mga ginastusan ni Robredo ang filing fees subalit nagastusan din ito sa ‘family at personal expenses” na hindi na nito idinetalye pa ang halaga.
Bago pa maupong bise-presidente si Robredo noong Hunyo 30, 2016, umaabot sa P11,053,138 ang net worth ng bise-presidente subalit bumaba ito sa P8.8 milyon noong Disyembre 2016.
Naniniwala si Gutierrez na mas bababa pa ang net worth nito at posible ring tumaas ang pagkakautang dahil sa P15 M na ipinababayad ng Presidential Electoral Tribunal (PET) sa kanya dahil sa counter-election protest na isinampa nito laban kay Marcos.
Noong Mayo 2 ay nagbayad na si Robredo ng P8 M kung saan sinabi noon ng Bise Presidente sarili nitong pera at ang iba ay inutang sa kaanak ng kanyang yumaong mister ang nasabing halaga.
Sa Hulyo 2017 ay muling magbabayad si Leni ng karagdagang P7 M para mabuo ang P15 milyon na ipinababayad sa kanya ng PET.