MANILA, Philippines - Atubili ang ilang kongresista na suportahan ang isinusulong na panukalang tax reform package ng administrasyong Duterte.
Ayon kay House Minority leader Danilo Suarez, susuportahan lamang niya ang tax reform package bill kung mananatili itong revenue neutral na ang ibig sabihin ay kaparehong halaga ang kikitain dito ng gobyerno kumpara sa mawawalang buwis dahil sa mas mababang income tax ng manggagawa.
Sinabi pa ni Suarez na hanggang sa bicameral conference committee ay hahabulin niya ito dahil hindi pwdeng mapayagan na ang payroll at bulsa ng mga ordinaryong manggagawa ang palagi na lamang hinahabol ng gobyerno habang hindi napupukpok ng gobyerno ang Bureau of Customs (BOC) at BIR na gawin ang kanilang trabaho.
Siniguro naman ni Negros Oriental Rep. Arnie Teves na hindi siya boboto ng pabor sa nasabing panukala kung hindi mababago ang kasalukuyang porma nito sa nagbabawas sa income tax subalit malaki naman ang dagdag sa fuel at auto tax habang may mga tatanggalan pa ng Exemption sa Value Added Tax o VAT.
Diretsahang sinita ni Teves ang mga taga Department of Finance at kinuwestyon kung magkano ang hindi nakokolektang buwis ng pamahalaan.
Giit niya dapat na pukpukin ang BOC at BIR para magpursige na gawin ang kanilang trabaho sa pangongolekta ng buwis.
Paliwanag ni Teves mayroong domino effect kapag sa mga produktong petrolyo ipapataw ang karagdagang buwis na ang mahihirap ang tatamaan dahil tataas din ang basic commodities.