MANILA, Philippines - Apat na pulis kabilang ang tatlong nasa malubhang kalagayan ang nasugatan makaraang sumabog ang bomba na sinasabing itinanim ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa kahabaan ng highway ng Rajah Buayan sa Sitio Paso, Barangay Manongkaling sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao kahapon ng umaga.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Agustin Tello, police provincial director ng Maguindanao, kinilala ang mga biktima na sina SPO2 Mohammad Ampatuan, PO1 Norudin Olympain, PO3 Harim Ampatuan, at ai PO3 Ali Ibrahim Malok, mga pawang kasapi ng Rajah Buayan Municipal Police Station.
Bandang alas-10:15 ng umaga habang lulan ng patrol car ang mga pulis nang biglang sumabog ang improvised explosive device (IED) na itinanim sa gilid ng highway.
Mabilis namang dinala ang mga biktima sa Maguindanao Integrated Provincial Health Office.
May posibilidad na rumeresbak ang BIFF makaraang malagasan sila ng 20 sa inilunsad na airstrike ng military.
Nagpapatuloy naman ang opensiba ng militar laban sa nalalabi pang BIFF sa Central Mindanao.