MANILA, Philippines - Aprub na sa Senado ang resolusyon na naglalayong magbuo ng isang select oversight committee on intelligence, confidential funds na ginagamit ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Layunin ng inihaing resolusyon na matiyak na nagagamit ng tama ng mga institusyon ng gobyerno ang intelligence funds na para sa pangangalap ng impormasyon upang masawata ang anumang banta sa national security ng bansa.
Ayon kay Sen. Gregorio Honasan, nagsulong ng resolusyon, mahalagang magamit ng tama ang intelligence funds sa pangangalap ng impormasyon sa gitna ng iba’t ibang banta sa national security ng bansa kabilang na ang ginagawang panggugulo ng mga “lawless elements”.
Ayon kay Honasan, sa bagong “Select Oversight Committee on Intelligence and Confidential Funds” sa kasalukuyang 17th Congress, magagampanan ng Kongreso ang oversight functions sa paggamit, disbursement at expenditures ng confidential at intelligence funds na ibinibigay sa mga ahensiya ng gobyerno.
Sa 2017General Appropriations Act pa lamang, umaabot na sa P5.48 bilyon ang inilaan para sa confidential at intelligence funds.