MANILA, Philippines - Umaabot na sa 60 miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang napapaslang ng tropa ng militar sa pinaigting na operatiba ng tropa ng militar sa Sulu, Basilan at Tawi-Tawi.
Ito ang nabatid kahapon kay AFP Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., kaugnay ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na durugin ang nalalabi pang miyembro ng Abu Sayyaf .
Ang nasabing bilang ng mga napaslang na bandido ay simula Enero ng taong ito hanggan sa buwang kasalukuyan.
Naitala naman sa 13 Abu Sayyaf ang nasakote at 41 pa ang nagsisuko sa batas.
Sinabi ni Galvez na positibo siyang konting panahon na lamang at tuluyan nang malilipol ang mga bandidong grupo na sangkot sa serye ng paghahasik ng terorismo.
“It is a matter of time. We have reached the tipping point of the ASG meaning they could no longer carry out significant attacks’, giit pa ni Galvez.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit pang 20 hostages ang hawak ng mga bandido na target masagip ng tropa ng militar.
Idinagdag pa ng opisyal na patuloy sa pagdanas ng dagok ang mga bandido sa pagkamatay ng kanilang mga lider kabilang si Abu Sayyaf Sub-Commander Alhabsy Misaya sa bakbakan sa Indanan, Sulu.