MANILA, Philippines - Tuloy ang pangako ng US government na mapanatili ang kalayaan sa paglalayag at paglalakbay sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea (SCS).
Ayon kay US Ambassador to the Philippines Sung Kim, hindi lamang sa “freedom of navigation” nagmamalasakit ang US kundi maging sa isyu ng seguridad, katatagan at kapayapaan sa nasabing rehiyon.
Binigyang-diin ito ni Kim kasunod ng ulat na nag-shift na umano ng polisiya si US Pres. Donald Trump upang hayaan na lamang ang China sa ginagawa nitong incursions o pangangamkam ng mga teritoryo at panggigipit sa SCS kapalit naman umano sa ibibigay na tulong ng Beijing upang mapatigil ang North Korea sa nuclear at ballistic program nito.
Sinabi ni Kim na hindi pa niya nakikita ang nasabing ulat at itinanggi nito na nagbago na ng posisyon ang Amerika sa maritime issue at mga karapatan ng mga bansa sa SCS o sa West Philippine Sea.
Uminit ang tensyon sa pagitan ng US at Nokor dahil sa pagsuporta ng US sa South Korea at sa tahasang pagtuligsa sa magkakasunod na missile test ng Nokor.
Hiniling din ng US sa United Nations Security Council na patawan ng panibagong sanctions ang Nokor dahil sa serye ng mid-range ballistic missile tests.
Nagbanta ang Nokor ng “catastrophe strike” kapag nag-provoke ang US makaraang iposisyon ng Amerika sa Korean Peninsula ang kanilang warship at guided missile submarines bilang paghahanda sa anumang nuclear weapon attack ng Nokor.
Sa lumabas na ulat sa New York Times, tumanggi na umano ang Pentagon sa kahilingan ng US Navy na makapaglayag sa itinayong artipisyal na isla ng China na umano’y lalagyan ng military bases sa West Philippine Sea.