Kung walang ebidensiya sa suhulan…
MANILA, Philippines - Ipapakain umano ni Isabela Rep. Rodito Albano kay Magdalo Rep. Gary Alejano ang resolusyong ihahain nito kapag wala siyang ebidensya na magpapatunay na nagkaroon ng suhulan sa Commission on Appointments (CA) para ilaglag si dating Environment Sec. Gina Lopez.
Ayon kay Albano, double-edged sword ang resolution ni Alejano dahil inilulubog umano niya ang bawat isang kasamahan at pinag aaway-away sila ni Pangulong Duterte.
Paliwanag ng kongresista, alam naman ni Alejano na karamihan sa miyembro ng CA ay pawang kasamahan sa Kamara at pro-administration na galing sa supermajority kaya ang nangyayari umano ay pinipilipit sila laban sa Presidente.
Kaya umano double edged sword dahil kahit ano ay si Alejano pa rin ang mananalo dahil sa kanyang resolusyon kaya nagpahayag na rin siya na “they are more clever than the devil” na ang sinasabihan ay ang kapwa kongresista.
Iginiit pa ni Albano na mistulang sinusulsulan ni Alejano ang Pangulo subalit hindi na lamang niya ito pinapansin subalit kailangan din umano siyang maglabas ng ebidensiya laban sa kanyang paratang sa mga miyembro ng CA kung maghahain siya ng reklamo sa ethics committee.
Banta naman ng mambabatas, kung maghahain si Alejano sa ethics committee laban sa mga miyembro ng CA ay dapat itong maglabas ng ebidensiya kung sino ang nasuhulan at kung hindi ay sila naman ang magbabalik sa kanya ng reklamo sa naturang komite.
Nilinaw pa ni Albano na hiwalay na sangay ng kongreso ang CA dahil ito lang ang constitutional body na may executive function na nangangahulugan na maari silang magtanggal ng gabinete.