MANILA, Philippines - Hinayaan din umano ng administrasyon si dating Environment Secretary Gina Lopez na ilaglag ng Commission on Appointments (CA).
Ito ang paniniwala ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat, dahil kung gusto talaga umano ng administrasyon na manatili si Lopez sa pwesto ay dapat ginamit ng Malacañang ang super majority na nakakarami sa CA para ilusot ang kalihim.
Giit pa ni Baguilat, sa halip ang mga Liberal Party (LP) Senators pa ang marami sa naging kakampi ni Lopez sa makapangyarihang komisyon
Sa tingin ng kongresista, hinayaan nang malaglag si Lopez dahil sa pressure mula sa pro-mining sa hanay ng gabinete.
Bukod dito naging lantaran din umano ang banat ni Finance Secretary Carlos Dominguez III kay Lopez dahil sa pagpapasara nito sa maraming minahan.
Sinabi ni Baguilat, maaring si Dominguez ang kumumbinsi kay Pangulong Duterte na pakawalan na si Lopez.
“I’m not buying it. Duterte fed Gina Lopez to the lions,” sabi naman ni Sen. Antonio Trillanes sa isang statement.
Ayon kay Trillanes, taliwas sa mga pinalalabas ng Pangulo na sinusuportahan niya si Lopez, hindi ito gumawa ng paraan para maimpluwensiyahan ang mga miyembro ng CA mula sa House of Representatives na hindi bumoto para makumpirma ang dating kalihim.
Naniniwala si Trillanes na susundin siya ng mga mambabatas na miyembro ng CA kung hiniling nito na suportahan si Lopez.
Nakatitiyak rin si Trillanes na hindi susuwayin ng mga congressmen si Duterte kung alam ng mga ito na nais talaga ng Pangulo na manatiling kalihim ng DENR si Lopez.
Kung totoo aniyang anti-mining ang Pangulo, ang dapat nitong italaga sa puwesto kapalit ni Lopez ay isang anti-mining advocate.