MANILA, Philippines - Iligal umano ang Joint Venture Agreement (JVA) sa pagitan ng Tagum Agricultural Development Corp. (Tadeco) at Bureau of Corrections (BuCor) kaugnay sa 5,212.46-hektaryang lupain ng Davao Penal Colony.
Ito umano ang nilalaman ng pitong pahinang preliminary report ng Department of Justice na nilagdaan ni DOJ Undersecretary Raymund Mecate.
Ayon sa fact-finding committee, ang lupa na kinukuwestiyon ay isang inalienable land ng public domain at hindi ito maaring isailalim sa anumang JVA, kagaya ng JVA sa pagitan ng BuCor at Tadeco.
Nabigo umano ang naturang agreement na matugunan ang mga legal requirements bukod pa sa business interests ng magkabilang panig.
Sinabi pa ng DOJ na ang kasalukuyang JVA contract area na 5,308 hektarya ay limang beses na malaki sa pinapayagan lamang na 1,000 hektaryang puwede ipa-lease sa isang pribadong korporasyon sa ilalim ?ng 1973 at 1987 Constitutions.