MANILA, Philippines - Siniguro ni Pangulong Duterte na makikita ng taumbayan ang pagbabago sa kanilang pamumuhay sa pagdating ng Disyembre kung saan ay ramdam na nila ang pagbabagong magaganap.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang garantiya sa harap ng tuloy-tuloy aniyang pagpasok ng negosyo sa bansa bunga ng mga foreign investors na nagnegosyo sa bansa na lumikha ng mas maraming trabaho para sa Filipino.
Wika pa ng chief executive, masasabing maayos na sa kasalukuyan kung pag-uusapan ay kondisyon ng pamumuhay ng mga Pinoy pero mas mararamdaman ang malaking pagbabago nito sa kanilang buhay sa huling buwan ng taong 2017.
Idinagdag ng Pangulo na ilan sa tiyak na maglalagak ng kanilang pamumuhunan sa bansa ay ang China na nakatakda niyang puntahan sa buwang ito.
Sa harap ng positibong pananaw kung pag-uusapan ang maayos na lagay ng mga Pilipino simula sa taong ito, sinabi ng Pangulo na ang ikinababahala lamang niya ay ang isyu ng terorismo.
Ganunpaman, ito aniyay’ sinisikap na tugunan at maiayos ng mga kinauukulang miyembro ng kanyang Gabinete.