Impeach Digong sasalang na

Ayon kay House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas, dadaan sa tamang proseso ang pagdinig sa inihaing impeachment complaint ni Alejano.
Biazon staff/Released, File

MANILA, Philippines - Tatalakayin na sa susunod na linggo ang impeachment complaint na inihain ni Magdalo Rep. Gary Alejano laban kay Pangulong Duterte.

Ayon kay House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas, dadaan sa tamang proseso ang pagdinig sa inihaing impeachment complaint ni Alejano.

Paliwanag ni Fariñas, irerefer ni Speaker Pantaleon Alvarez sa House Committee on Justice ang reklamo at pagdedebatehan pa kung sufficient in form at sufficient in substance ang impeachment complaint.

Kung sakali na kulang o hindi makitaan ng grounds para sa impeachment complaint ay tiyak na maibabasura ang nasabing reklamo.

Ilan sa mga naging batayan ng paghahain ng impeachment complaint laban kay Duterte ay culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust at iba pang high crimes.

Tiwala naman si Fariñas na walang sumusuporta at nag-iisa lamang si Alejano na nagsusulong sa impeachment laban kay Duterte. 

Ito ay dahil wala naman umanong lumapit sa majority leader para maghayag ng suporta sa impeachment. 

Maging ang Liberal Party umano ay nauna na ring nagpahayag na hindi sila susuporta sa anumang impeachment complaint laban kina Duterte at kay Vice Pres. Leni Robredo.

Show comments