MANILA, Philippines - Bukod sa planong pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers, inianunsiyo ng Duterte administration sa kasagsagan ng Labor Day kahapon ang magandang balita na maglalagay na rin ang pamahalaan ng bangko na dinisenyo para lamang sa mga Overseas Filipino Worker bago matapos ang taong 2017.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello III, plantsado na ang planong pagtatayo ng OFW bank at inaasahan na magsisimula ang operasyon nito sa darating na Oktubre o Nobyembe ngayong taon.
Sinabi ni Bello na sa pamamagitan ng nasabing bangko ay makapagpapadala ang mga OFWs ng kanilang remittances sa Pilipinas nang walang kaukulang bayad at makakahiram din sila ng pera dito nang walang tubo o interes.
Ang paglalagay ng bagong bangko na ekslusibo para sa mga OFWs ay inianunsyo ni Bello alinsunod sa instruksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte habang sila ay kapwa nasa Davao City kasabay ng Araw ng Paggawa.
“Sabi niya (Duterte) i-announce mo, meron ng OFW Bank, bangko na sariling pag-aari ng mga OFW,” ani Bello na tinututukoy dito ay ang direktiba sa kanya ng Pangulo.
Ipinaliwanang ni Bello na matapos ang 1-2 taon, may posibilidad na ang OFW Bank ay mas mapagaganda pa at maaaring ma-convert sa “Workers Bank”.