MANILA, Philippines - Pormal nang inilunsad kahapon nina Pangulong Duterte at Indonesia President Joko Widodo ang maiden voyage ng Roll On-Roll Off (RORO) na bibiyahe sa Davao-General Santos City-Bitung sa Indonesia.
“The Davao-GenSan-Bitung route will not only connect us with the rest of ASEAN. It will also physically integrate our respective archipelagos with the rest of the region,” pahayag ni Duterte sa kanyang mensahe bago ang maiden voyage ng RoRo.
Aniya, umaasa siyang lalong sisigla ang ekonomiya sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia dahil sa RoRo vessel na ito.
Sa kanyang pananalita, sinabi naman ni Widodo na umaasa siya na ang bagong shipping route ay magbibigay ng mga oportunidad sa mamamayan ng Indonesia at Pilipinas. Aniya, alam niya ang kahalagahan ng pagbibigay ng oportunidad sa mga nasa rehiyon dahil siya umano, gaya ni Duterte ay naging alkalde sa isang bayan na malayo sa siyudad.
Nauna nang sinabi ng Mindanao Development Authority (MinDa) na ang bagong maritime route ay makaka-menos sa travel time mula Davao-GenSan patungong North Sulawesi, Indonesia na isasagawa isang beses kada isang linggo.
Inaasahang aabutin lamang ang delivery ng mga trading goods ng dalawa hanggang tatlong araw kumpara sa dating tatlo hanggang limang buwang paglalayag.
Sinabi ng MinDa, ang Roro ferry service ay magbibigay ng mas mabilis at murang pagde-deliver ng mga trading goods sa Brunei Darussalam, Indonesia, Malaysia, Philippine-East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA).
Kabilang sa mga dumalo sa Ro-Ro launching sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, maybahay ni Duterte na si Cielito “Honeylet” Avanceña, mga diplomats at matataas na opisyales ng pamahalaan.