Sinita dahil walang baro
MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang lalaki matapos na sitahin ng mga pulis dahil sa hindi pagsusuot ng damit na pang-itaas at makaraan ay mahulihan pa ng shabu habang nagbibisikleta sa Barangay Tumana, Marikina City kamakalawa.
Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), nabatid na dakong alas-10:10 ng umaga nang maglunsad ang mga tauhan ng Police Community Precinct 4 ng Marikina City Police ng ‘Oplan Sita’ sa Singkamas St., Brgy. Tumana, Marikina City.
Namataan ng mga pulis ang suspek na si Rolando Rempis, nasa hustong gulang, at residente ng lugar, habang nagbibisikleta ng hubad-baro, sanhi upang sitahin ito.
Kaagad namang inaresto ng mga pulis ang suspek nang habang kinakapkapan ito ay nahulog mula sa kanyang ulo ang tatlong plastic sachet ng shabu, na tinakpan umano nito ng jersey, sa pagtatangkang itago ito sa mga pulis.
Ang suspek ay kaagad na dinala sa presinto at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.