MANILA, Philippines - Isang babaeng Chinese national ang nasa kustodiya ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na arestuhin dahil sa pag-uumit ng pares na sandals sa isang supermarket sa lungsod, kamakalawa.
Sa ulat kay PO3 Hermogenes Capili ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang suspek ay kinilalang si Jian Guo Zhang, 41, tubong He Bei China, at pansamantalang naninirahan sa kanyang kaibigan sa QC.
Ayon kay Capili, ang dayuhan ay inaresto sa reklamong theft o shoplifling ng pamunuan ng Pure Gold Price Club Inc. na matatagpuan sa Unit 8 sa Sta. Mesa, Manila. Sa pagsisiyasat ni Capili, nangyari ang insidente sa loob ng nasabing supermarket na matatagpuan sa kahabaan ng E. Rodriguez Sr., Avenue corner G. Àraneta, Brgy. Doña Imelda, QC, dakong alas 7:43 ng gabi.
Bago ito, sinasabing pumasok ang dayuhan sa naturang supermarket at nagkunwaring customer saka isinuot ang pares ng rubber sandals na nagkakahalaga ng P199.75, at iniwan ang suot niyang tsinelas saka dumiretsong lumabas ng market nang hindi nagdadaan sa counter para magbayad.
Ang kanyang ginawa ay nakita ng security guard na si Joel Ariaga sanhi para sundan ito at pigilan.
Nang hingan ng sekyu ng resibo ang suspek sa kanyang kinuha ay wala itong maipakita sanhi para arestuhin niya ito at dalhin sa himpilan ng Galas Police Station hanggang ilipat sa pangangalaga ng CIDU para imbestigahan.