MANILA, Philippines - Pormal nang sinimulan kahapon ang ASEAN Summit 2017 sa pamamagitan ng ministerial meetings sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Ngayon (Huwebes) ay gaganapin naman ang ASEAN Senior Officials Preparatory Meeting at ilan pang kaugnay na pagpupulong at sa gabi, magkakaroon ng welcome dinner para sa mga ASEAN Foreign Ministers.
Sa Abril 28 at 29 ang ASEAN Leaders’ Summit na dadaluhan ng mga heads of state ng 10 bansang miyembro ng ASEAN kabilang si Pangulong Duterte.
Sa ngayon, handang-handa na ang International Broadcast Center sa Conrad Hotel para sa mahigit isang libong local at foreign journalist na magko-cover ng ASEAN Summit.
Kumpleto ito sa mga state of the art facilities at mga broadcast booths para sa mga radyo at telebisyon.
Samantala, ngayon naman ang courtesy call ni Sultan Haji Hassanal Bolkiah ng Brunei Darussalam para magsagawa ng state visit sa Malacañang at dumalo sa 30th ASEAN Summit.
Bukod kay Bolkiah, magsasagawa rin ng state visit sa Pilipinas sa sidelines ng ASEAN Summit sa Abril 28 si Indonesian President Joko Widodo.