MANILA, Philippines - Umapela kay Pangulong Duterte ang ina ni Mary Jane Veloso kasama ang ilang kaanak pa ng mga OFW na nasa death row din sa Middle East na tulungan ang kanilang mga anak na makakuha ng clemency kay Indonesian President Joko Widodo na darating bukas sa Pilipinas.
Hiniling ni Mrs. Cecilia Veloso, ina ni Mary Jane, kay Pangulong Duterte sa pamamagitan ni Presidential Adviser for OFW Sec. Abdullah Mamao na ipakiusap ang clemency ng kanyang anak lalo’t darating sa bansa si President Widodo para sa isang state visit sa Malacañang bago dumalo sa ASEAN Summit.
Ipinaliwanag ni Mrs. Veloso, dati ay nawawalan na sila ng pag-asa na maiapela ang kaso ni Mary Jane subalit matapos silang harapin ni Sec. Mamao at nangakong ipaparating kay President Widodo ang kanilang apela ay nabuhayan siya ng pag-asa.
“Tanggap ko naman na maparusahan ang aking anak kung talagang may kasalanan siya pero dahil biktima lamang siya dito ng recruiter na nagkumbinsi at nagpadala ng droga ay hindi niya matanggap na mabitay ito,” sabi ni Ginang Veloso.
Umaasa si Veloso na maisama ni Pangulong Duterte sa agenda ng pag-uusap nila ni Widodo ang kaso ng kanyang anak na si Mary Jane.
Magugunitang si Pres. Widodo ay magsasagawa ng state visit sa darating na Biyernes at magkakaroon ito ng bilateral meeting kay Pangulong Duterte.
Sinabi naman ni Sec. Mamao na susulat sila sa Indonesian government upang iparating ang pakiusap ni Mrs. Veloso na habaan pa ang pasensiya dahil sa mabagal na paggulong ng justice system sa bansa.
Bukod kay Mrs. Veloso, nagtungo din sa Palasyo sina Mrs. Alicia Dalquez at Mrs. Editha Dacanay upang iapela rin sa Pangulo ang kaso ng kanilang mga anak na sina Jennifer Dalquez at Rose Dacanay na kapwa nasa death row sa Middle East.
Sinamahan ang mga ito ni Laorence Castillo, program coordinator ng Migrante International.
Ang grupo ay tinanggap kahapon ng umaga sa Malacañang ni Mamao at tumagal ng ilang oras ang kanilang pag-uusap.
Nakatakda sanang bitayin si Veloso sa Indonesia noong Abril 29, 2015 subalit pinahinto ng Indonesian government upang hintayin na tumestigo ang recruiter nito sa kasong isinampa sa Pilipinas.