MANILA, Philippines - Tuloy na ang pagpapatayo ng kontrobersiyal at tinaguriang pambansang photo bomber na Torre De Manila matapos alisin ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) na dalawang taong pumigil sa konstruksiyon nito.
Sa botohan 9-6, dinismis ng mga mahistrado ang petition ng Knights of Rizal na inihain noong 2014 na ang layon ay ipagiba ang napakatarik na condominium na tinawag na photo bomber dahil sinisira anila nito ang sightline ng monumento ni Dr. Jose Rizal sa Luneta Park, na itinuturing na mahalagang landmark o istraktura sa bansa.
Dahil sa pagbawi ng TRO at ng mismong petisyon, wala nang hadlang para sa pagpapatuloy ng konstruksyon ng Torre De Manila.
Ang petisyon ng Knights of Rizal ay inihain bilang pagsasaalang-alang sa Sections 14, 15 at 16 ng Article 14 ng Konstitusyon na tumutukoy sa pananagutan ng estado na protektahan ang mga historical at cultural heritage sa bansa.
Kabilang sa mga respondent sa kaso ang DMCI Homes na developer ng Torre De Manila, Pamahalaang Lungsod ng Maynila, National Commission for Culture and the Arts, National Museum at National Historical Commission of the Philippines.
Matatandaan na natigil ang pagtatapos ng konstruksyon ng Torre matapos magpalabas ang Korte Suprema ng TRO nuong 2015.