Asean 2017 arangkada ngayon

Idineploy ng Philippine Coast Guard ang kanilang mga patrol boat sa bahagi ng Manila Bay para tiyakin ang seguridad ng mga delegado sa ASEAN Summit na magsisimula na ngayong araw.
Edd Gumban

MANILA, Philippines - Sisimulan na ngayong araw ang pormal na pagdaraos ng ika-30 Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit and Related Meetings na dadaluhan ng 10 bansang miyembro nito sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Ang mga pagpupulong na itinakda ngayong Abril 26 hanggang 29 ay pormal na bubuksan sa PICC sa pangunguna ni Pangulong Duterte.

Bukod sa Pilipinas na siyang host ng ASEAN 2017, ang ibang mga miyembrong bansa na makikiisa sa summit ay ang Brunei Darussam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Sngapore, Thailand at Vietnam.

Bilang chair ng ika-50 anibersaryo ng ASEAN ngayon taon, ang Pilipinas ang naatasang mag-host sa mga head of state at government, directors-general, foreign ministers, senior officials at iba bang matataas na opisyales ng 10 ASEAN member states.

Umaabot sa 2,000 de­legado na pangungunahan ng walong head of state mula sa nasabing mga bansa ang dadalo sa nasabing mga pulong.

Mahigit 2,000 ring mediamen mula sa iba’t ibang lokal at internasyunal media entities ang magko-kober ngayon sa summit.

Una nang inihayag na tutuon sa ASEAN 2017 na may temang “Partnering for Change, Engaging the World” sa people centered at people oriented ASEAN, ang mga usapin sa kapayapaan at katatagan, maritime security at cooperation, inclusive and innovation-led growth,

Ayon kay ASEAN 2017 Director General for Operations Ambassador Marciano Paynor, may walong head of state na miyembro ng ASEAN ang inaasa­hang darating at makikiisa sa mga pagpupulong kabilang na sina Cambodian Prime Minister Hun Sen, Brunei Sultan Hassanal Bolkiah, Indonesian President Joko Widodo, Laos President Bounnhang Vorachith, Malaysian Prime Minister Najib Razak, Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong, Thailand Prime Minister Prayut Chan-o-cha at Vietnamese President Tran Dai Quang.

Show comments