MANILA, Philippines - Hiniling ng isang kongresista kay Pangulong Duterte na gamitin na lamang sa intelligence gathering ang P1 milyong pabuya para sa mga miyembro ng Abu Sayyaf na mahuhuli at mapapatay sa gitna ng opensiba laban sa nasabing grupo.
Ayon kay Anak Mindanao Rep. Makmod Mending Jr., na hindi epektibo ang ganitong reward system laban sa ASG.
Paliwanag pa ni Mending, maaaring may kumagat sa P1 milyon kapalit ng bawat terorista, buhay man o patay subalit sadyang mahirap nang hantingin ang mga ito.
Bukod sa wala umanong permanenteng kuta ang ASG ay mabilis ang kanilang mobilisasyon, kayang mamundok o kaya ay tumakas gamit ang kanilang mga speed boats.
Kaya payo ni Mending, gamitin na lamang ang salaping ilalaan sa reward para palakasin pa ang intelligence gathering upang masiguro na tiyak ang mga impormasyong pinagbasehan laban sa teroristang grupo.
Idinagdag pa ng kongresista na mas mabuting mahuli ng buhay ang mga miyembro ng ASG para magbayad ang mga ito sa batas at maituro din ang kanilang mga kasamahan at maaari pang maidetalye ang operasyon ng kanilang organisasyon.