Pagbisita ng DND, AFP chiefs sa Pag-Asa idinepensa ng Palasyo
MANILA, Philippines - Ipinagtanggol ng Malacañang ang ginawang pagbisita ni Defense Sec. Delfin Lorenzana at AFP Chief Gen. Eduardo Año sa Pag-Asa island.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, ang pagpunta ni Lorenzana kasama ang matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines ay bahagi lamang ng hakbang ng gobyerno upang masiguro ang kaligtasan, kapakanan at kabuhayan ng mga Pilipino na nakatira sa Kalayaan.
“The Philippines has long been undertaking customary and routine maritime patrol and overflight in the West Philippine Sea,” pahayag ni Abella.
Habang sakay ng C-130 si Lorenzana kasama si Año at iba pang opisyal patungong Pag-Asa island ay ilang beses itong niradyuhan ng China para itaboy.
Nagpahayag naman ang China ng pagkaalarma sa ginawang pagbisita ni Lorenzana sa naturang isla.
Sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesman Lu Kang na ang pagbisita sa Pag-Asa island ay kontra sa naging consensus sa pagitan nina Pangulong Duterte at President Xi Jin Ping kaugnay sa magiging pagtrato sa South China sea issue.
Iginiit naman ng Department of Foreign Affairs na ang Pag-asa island ay bahagi ng lalawigan ng Palawan pero para sa China ito ay parte ng kanilang teritoryo na tinatawag nilang Zhongye Dao.
Naunang inanunsiyo ni Pangulong Duterte na magtutungo siya sa Pag-asa island sa araw ng Kalayaan upang pangunahan niya ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas subalit sa isang speech niya sa Filipino community sa Saudi Arabia ay sinabi nitong hindi na niya itutuloy ito bilang paggalang sa China na isa nang kaibigang bansa.
- Latest