Sayyaf leader patay sa encounter sa Bohol

MANILA, Philippines -  Isa sa mga lider bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na kabilang sa walong tinutugis at nilagyan ng P1 milyong patong sa ulo bawat isa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang napatay sa engkuwentro sa Clarin, Bohol nitong Sabado ng hapon.

Ayon kay Captain Jojo Mascareñas, Civil Military Operations Officer ng 302nd Brigade ng Philippine Army,  bandang alas-2:00 ng hapon nang mangyari ang bakbakan sa Brgy. Bacani, Clarin ng lalawigan.

 Kinilala ang napatay na bandido na si Joselito Milloria, ang sinasabing nagpapasok sa mga bandido sa Inabanga, Bohol.

 Sa ulat, natunton ang pinagtataguan ng suspek sa Brgy. Bacani na nagresulta sa bakbakan na siya nitong ikinamatay.

Patuloy naman ang pagtugis sa pito pa nitong nagsitakas na kasamahan  na nagsisipagtago na ngayon sa lalawigan kung saan ay pinalawak ang manhunt operations hanggang sa Cebu.

Magugunita na noong Abril 10 ay nakasagupa ng security forces ang grupo ng mga bandido na ikinasawi ng anim sa mga ito kabilang ang Sub-leader ng grupo na si Abu Rahmi at kasabay nito ay nasilat ang planong paghahasik ng terorismo ng Abu Sayyaf sa lalawigan kabilang na ang kidnapping for ransom.

Show comments