MANILA, Philippines - Gagawing tourist attraction at marine research center ang Pag-asa island sa Spratlys na nasa bahagi ng Kalayaan, Palawan sa West Philippine Sea.
Ito ang magandang plano ng gobyerno sa WPS kung saan popondohan ng Duterte administration ng P1.6 bilyon ang Pag-asa island bilang bahagi ng pagpapaganda at pagpapatatag sa isla na magpapalago sa ekonomiya ng bansa at mas makakatulong sa mga mangingsidang Pilipino.
Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na bumisita sa Pag-asa island kasama ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines kabilang si Armed Forces Chief of Staff Gen. Eduardo Año, Philippine Army chief Lt. Gen. Glorioso Miranda, Air Force chief Lt. Gen. Edgar Fallorina at Western Command chief Lt. Gen. Raul del Rosario, at Palawan Gov. Jose Alvarez na hurisdiksyon sa lugar.
Ang Pag-asa island na tinawag ng China na “Thitu island” ay ang ikalawa sa pinakamalaking isla sa Spratly group of islands na inaangkin naman ng China, Vietnam, Taiwan at Malaysia.
Ang nasabing isla na okupado ng mga Philippine Navy ay may mahigit 23 kilometro lamang ang layo sa isla naman na kinokontrol ng China na tinayuan na nila ng maraming istraktura kabilang na ang malawak na runway para sa malaking eroplano.
Sinabi ng Lorenzana na layunin ng kanilang pagbisita sa pag-asa ay bunsod na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad na simulan ang pagpapaganda at pagpapalago sa nasabing isla.
Kabilang sa plano ng Duterte administration sa Pag-asa island ay ang pagtatayo ng fish port, radio station, power plant, desalination plant, ice plant, marine research facility ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ang mas malaking port o daungan, airstrip o pagsasaayos ng runway at pagpapataas ng flagpole para sa watawat ng Pilipinas.
Sina Lorenzana ay sinalubong ng mga sundalong nagbabantay sa Pag-asa island sa kanyang paglapag kasama ang mga AFP officials sa naturang isla lulan ng C-130 transport plane. Bago ito, nakaranas umano ang grupo ni Lorenzana ng panggigipit mula sa Chinese Coast Guard makaraang apat na beses silang tinangkang itaboy sa pamamagitan ng radio message.