OFW Dep’t bill tiniyak na papasa
MANILA, Philippines - Kumbinsido si Quezon City Rep. Winston ‘Winnie’ Castelo na mapapabilis ang pagpapasa ng panukalang Department of OFWs sa Kongreso dahil sa suporta na ibinigay ni Pangulong Duterte dito.
“With the President’s backing, there is no doubt that this law we are pushing for will be passed and approved sooner than we expected,” ani Castelo na isa sa mga author ng consolidated bill ng OFW Department.
Kasalukuyang tinatalakay ang naturang bill sa technical working group ng House Committee on OFWs.
Naunang nang ipinangako ni Duterte sa mga Filipino migrant worker sa Middle East na magkakaroon na ang bansa ng isang departamento na tutugon sa mga pangangailangan ng mga OFWs sa mga susunod na buwan.
Sinabi ni Castelo na lubhang kailangan ng bansa ang isang pangunahing sangay ng gobyerno na mangangalaga sa kapakanan ng mga OFW.
Kinontra ng mambabatas ang paniwala na walang saysay ang pagtatayo ng OFW department dahil marami na umanong sangay ng pamahalaan na binuo para sa mga OFW.
Pinaliwanag ni Castelo na bagamat meron ngang mga ahensiya para sa mga OFW, kulang naman sa koordinasyon ang mga ito na dahilan kung bakit hindi nila maibigay ang mga pangangailangan ng mga Filipino migrant worker.
Hindi rin naniniwala si Castelo na matitigil ang migration sa oras na magtagumpay ang pamahalaan sa pagbibigay ng tuloy-tuloy at may mataas na sweldong trabaho na magiging dahilan kung bakit hindi na kailangang maitatag pa ang OWF department.
- Latest