MANILA, Philippines - Binigyan na ng taning ng National Housing Authority (NHA) ng hanggang Hunyo 15 ang mga kawani ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang tirahan ang mga inaward sa kanilang bahay dahil kung hindi ay ipamimigay na ang mga ito sa kuwalipikadong benepisyaryo katulad ng mga guro, mga empleyado ng city hall, munisipyo at mga informal settlers.
Ito ang sinabi kahapon ni NHA General Manager Marcelino Escalada Jr., sa pagdinig ng Senate committee on Senate Committee on Urban Planning, Housing, and Resettlement na pinamumunuan ni Sen. JV Ejercito.
“?June 15 is the deadline. (Kung hindi ookupahan ng AFP/PNP) ibibigay na natin sa public school teachers, sa mga empleyado ng city hall, ng munisipyo, at saka sa barangay and informal settlers,” pahayag ni Escalada.
Ipinaliwanag ni Escalada na mayroon namang linya ng kuryente ang mga housing projects para sa mga pulis at sundalo pero kailangang mag-aplay ang mga titira sa housing units.
Sinabi ni Escalada na inabisuhan na niya ang housing boards ng AFP at PNP para maisumite hanggang ?Hunyo15 ang talaan ng mga interesadong pulis at sundalo na nais pang umokupa sa housing units na laan sa kanila ng gobyerno.
Anya, kung makalampas ng ?Hunyo 15 ay wala silang makuhang talaan ng mga pulis at sundalo na interesado sa housing unit, ay makikiusap sila sa Kongreso na payagan sila na maipamigay na lamang ang housing units sa ibang mas higit na nangangailangan tulad ng mga guro, LGU employees, barangay officials at informal settlers.
Sinasabing may 66,184 housing units ang laan ng gobyerno sa AFP at PNP at umaabot lamang sa 8,240 ang nag-okupa dito habang may natitirang 55,124 units para sa kanila.
Sinabi naman ni Sen. Ejercito na nag-aaksaya lamang ng bilyun-bilyong pondo ang gobyerno sa pagpapatayo ng mga housing projects na hindi naman napapakinabangan at hindi tinitirhan ng mga benepisyaryo.
Natalakay sa pagdinig ang nangyayaring kapabayaan sa mga itinatayong housing projects na walang probisyon para sa mga basic services katulad ng kuryente, tubig, eskuwelahan, transportasyon at kabuhayan ng mga residente.
Iginiit naman ni Gloria Arellano, national chairperson ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay na dapat gawing libre ng gobyerno ang pagbibigay ng bahay sa mga mahihirap.
Ayon kay Arellano, habang walang trabaho ang mga mahihirap ay dapat libre ang kanilang bahay.
Naniniwala si Arellano na marami umanong anomalya ang nabunyag dahil sa ginawa nilang pag-okupa sa mga nakatiwangwang na housing units sa Pandi, Bulacan.
Kabilang umano dito ang palpak at mababang klase ng pabahay na itinayo ng gobyerno para sa mga pulis at sundalo.
Balak naman ng komite ni Ejercito na magsagawa ng inspeksiyon sa mga housing units sa Pandi, Bulacan.