‘Walang korupsiyon’

MANILA, Philippines - Nangako kamakalawa si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga overseas Filipino workers sa Bahrain na walang korupsiyon, panggigipit, at mga abusadong opis­yal sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Humarap ang Pa­ngulo sa nasa 4,000 OFW sa Khalifa Sports City Stadium sa Bahrain kung saan sinabi nitong nais niyang wakasan ang korupsiyon sa bansa upang mas mahikayat ang mga OFWs na magbalik sa Pilipinas.

 “Ang OFW kasi, alam ko, gusto ninyong mahinto na talaga ‘yung katiwalian para aa­ngat ang bayan natin. At maaaring ang susunod na henerasyon ay makauwi na talaga,” pahayag ni Duterte.

Sinabi pa ng Pangulo na maaring tumulong ang mga OFWs sa pagsugpo sa katiwalian sa pamamagitan ng hindi pagpayag sa mga tiwa­ling gawain lalo na sa mga Immigration and Customs bureaus.

“Ang problema, ang naghihila sa atin ang katiwalian. Pero alam nyo, alam mo kung ano ang sikreto sa corruption, nandiyan sa inyo. Nandiyan sa mga kapatid ninyo, diyan… tawagan ninyo sa Pilipinas but alam na nila ‘yan. You know, ang Pilipino kasi is not assertive,” pahayag ni Duterte.

Ipinagmalaki rin ng Pangulo na sa kanyang mga talumpati, palagi niyang sinasabi na dapat mahinto ang korupsiyon.

Kung wala rin aniyang katiwalian, maaaring komportable na ang buhay  ng mga Filipino.

“In my speeches, corruption must stop. Alam mo kung bakit hanggang ngayon pobre tayo? Corruption. Kasi kung ang pera lang ng gobyerno, dadating talaga doon sa irrigation, sa mga… hindi naman siguro talagang—But we would have been comfortable by this time,” anang Pangulo.

Muli ring ikinuwento ng Pangulo ang mga opisyal sa ilalim ng kanyang administrasyon na kanya ng tinanggal dahil sa katiwalian.

Show comments