MANILA, Philippines - Huli ang dalawang babae at isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa San Juan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Chief Supt. Romulo Sapitula, director ng Eastern Police District, ang mga suspek na sina Wilma Laurel, 58, Madonna Perello, 53 at Ruperto Laseta, 53, pawang taga #22 Tuberias St., Barangay Batis, San Juan City.
Ang operasyon laban sa tatlong ay isinagawa matapos na magpositibo ang isinagawang surveillance ng pulisya.
Pinangunahan ni Insp. Edwin Malabanan ang operasyon dakong alas-2:00 ng madaling araw kung saan nakuha sa mga ito ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang droga.
Nakapiit ngayon ang tatlong suspek sa San Juan City police station habang inihahanda ang kaso laban sa kanila.
Samantala, arestado naman ng QC Police ang siyam na drug suspect sa patuloy na kampanya ng pulisya kontra droga ngayong Semana Santa.
Sa report ni Dir. P/C Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, naaresto at nakapiit ngayon sa mga police stations ang mga hinihinalang tulak sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Bagbag, Brgy. Sta Monica at Brgy. San Agustin sa Novaliches, QC dakong alas-7:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng hatinggabi.
Una rito, ganap na alas 9:00 ng gabi, nagsagawa naman ng anti – narcotics operation ang mga operatiba ng Cubao Police sa Brgy. Valencia at Brgy.Martin De Porres sa Cubao.
Nakuha ng mga otoridad sa mga hinihinalang tulak at users ang mga sachet ng shabu, mga pinatuyong dahon ng marijuana, mga drug paraphernallia at drug money.
Nakapiit ngayon sa detention cell ng mga nasabing himpilan ng pulisya sa mga Barangay makaraang sampahan ng kaukulang kaso sa Quezon City Prosecutors Office.