MANILA, Philippines - Tigok ang isang rider nang magulungan ito ng isang 10-wheeler truck, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Nasawi noon din ang biktima na kinilala lamang sa nakuhang ID rito na si Benjie Regondola, 49, isang maintenance worker sa isang hotel sa naturang lungsod matapos itong magtamo ng matinding pinsala sa katawan.
Sa report na natanggap ng hepe ng Parañaque City Police na si Police Sr. Supt. Jemar D. Modequillo mula kay traffic investigator, SPO1 Reynaldo Serafica, naganap ang insidente alas-8:00 ng gabi sa Southbound lane ng kahabaan ng Macapagal Avenue, Brgy. Tambo ng naturang lungsod.
Minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo at habang binabagtas nito ang naturang lugar, lumiko nang pakaliwa ang truck na may plakang UUC-382 kung saan nabangga nito ang biktima.
Ayon sa mga testigo buhay pa ang biktima nang masagi ito ng truck, subalit, nang bumaba ang driver ng truck para silipin ito at sa halip na tulungan ay muling bumalik sa manibela ang driver at tuluyang sinasagasaan ang rider at pagkatapos ay mabilis na tumakas.
Hinahanting na ngayon ng pulisya at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng driver ng truck.