MANILA, Philippines - Todo-alerto na ngayon ang pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) kaugnay ng paggunita ng Semana Santa.
Ayon kay QCPD Director Chief Guillermo Eleazar, wala na siyang pinapayagang pulis na magbakasyon para may aayuda aniya sakaling kailanganin ang dagdag na bilang ng mga pulis.
Una nang inutos ni QC Mayor Herbert Bautista na round-the-clock na magbabantay ang mga pulis sa matataong lugar partikular sa mga bus terminal na dagsa ang uuwing pasahero sa ibat-ibang mga lalawigan.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ni Bautista ang mamamayan na bagama’t mahigpit na magbabantay ang mga pulis sa lahat ng lansangan at mga tirahan, mas mabuting magkaroon din ng pansariling seguridad ang mga may-ari ng tahanan upang masigurong hindi sila mabibiktima ng magnanakaw tulad ng salisi o akyat bahay.
Inatasan din ni Bautista ang pamunuan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) at Barangay Security Development Officer (BSDO) na patuloy na makipagtulungan sa QCPD upang matiyak ang kaayusan sa paggunita ng Semana Santa.