MANILA, Philippines - Ibinasura ng Court of Appeals ang apela ni US Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na baligtarin ang sentensiya sa kanya kaugnay ng pagpatay niya sa Filipino transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude noong Oktubre 2014. Sa desisyon na may petsang April 3, kinatigan ng CA Special 16th Division ang naunang desisyon ng mababang korte dahil na rin sa kakulangan ng merito ng inihain ng dayuhang sundalo na motion for reconsideration. Ipinag-utos na rin ng appellate court kay Pemberton na magbayad ng P4.32 million sa pamilya Laude dahil sa nawalang kita ng biktima na P30,000 para sa exemplary damage at P155,250 para sa actual damages. Maalalang noong December 2015 nang hatulan ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 74 si Pemberton ng anim hanggang sa 12 taong pagkakakulong matapos umanong patayin at ilublob pa ng sundalo si Laude sa toilet bowl ng Celzone Lodge room sa Olongapo City noong October 11, 2014.