‘Lascañas balik-Pinas sa Abril 22’ - BI
MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na babalik din sa bansa ang self-confessed hitman na si Arturo “Arthur” Lascañas pagkatapos ng dalawang linggo o sa Abril 22 araw ng Sabado.
Ayon kay BI spokesperson Antonette Mangrobang, iprinisinta mismo ni Lascañas ang kanyang plane ticket sa mga Immigration officers at doon naka-indicate na Abril 22 ang pormal niyang pagbabalik sa Manila.
Si Lascañas ay umalis ng bansa noong Sabado at pumunta ito sa Singapore matapos umanong makatanggap ng mga banta na sasampahan ito ng kaso at hinahanap ng ilang katao.
Maliban dito, may mga natanggap na rin umanong mensahe ang dating pulis na posible siyang ikulong o patayin pagbalik ng Pilipinas.
Una nang dumipensa ang BI na pinayagan nilang bumiyahe sa ibang bansa ang umano’y dating Davao Death Squad (DDS) hitman dahil wala namang hold departure order o lookout bulletin na inisyu laban sa kanya.
Samantala, kinuwestyon kahapon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson kung sino ang gumastos sa biyahe ni Lascañas patungong Singapore.
Sa isang text message, sinabi ni Lacson na mahal ang accommodations sa Singapore at bumiyahe doon ang pamilya ni Lascañas bago pa ito tumestigo sa Senado tungkol sa extrajudicial killings sa Davao City.
Taliwas aniya sa mga ulat, hindi umalis ng tahimik si Lascañas dahil nagsama pa ito ng isang reporter.
- Latest