Para sa mga HIV/AIDS patients
MANILA, Philippines - Sa layuning matutukan din ang mga pasyenteng apektado ng Human Immunodeficiency Virus-Acquired Immunodeficiency Syndrome (HIV-AIDS) infection, nagpatayo ng HIV/AIDS Satellite Treatment Center ang Department of Health (DOH) sa Occidental Mindoro.
Sinabi ni Dr. Eduardo Janairo, regional director ng DOH-MIMAROPA (Oriental/Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), ang naturang treatment center ay matatagpuan sa Occidental Mindoro Provincial Hospital sa bayan ng Mamburao.
Libreng serbisyo ang ipagkakaloob sa mga HIV patients sa lalawigan ng MIMAROPA.
Tiniyak naman ni Janairo na gagawing confidential ang bawat pagsusuri para sa kapakanan ng mga pasyente.
Nabatid na itinayo ang HIV/AIDS Satellite Treatment Center base sa prinsipyo ng Anonymity, Respect, Understanding, Guidance, Advocacy o A.R.U.G.A. na may layunin na makapagbigay ng ligtas at komprehensibong pangangalaga sa mga HIV/AIDS patients.
Sa pinakahuling tala ng DOH-MIMAROPA, nitong Enero 2017, may isang nag-HIV/AIDS positive at isa ang kinakitaan ng sintomas ng sakit sa Oriental Mindoro habang dalawa naman ang kinakitaan ng sintomas sa Palawan.
Magkakaloob din aniya, ng libreng antiretroviral drugs (ARVs) sa mga HIV positive patients para mapigilan ang pagkalat ng virus sa katawan ng pasyente.