MANILA, Philippines - Bubuhayin ng National Parks and Development Committee (NPDC) ang nagsarang ‘Orchidarium’ sa bansa na itatayo sa loob ng Luneta, mula sa dating nasa Nayong Pilipino sa Parañaque at gagawing isa sa tourist attraction ang ‘Dendrobium Rodrigo Roa Duterte,’ variety ng orchid na ibinigay ng Singapore government.
Anumang oras ay darating sa bansa mula sa Singapore ang tinaguriang “Digong Orchid” na ipinangalan kay Pangulong Duterte nang siya ay bumisita sa Singapore Botanic Gardens noong nakalipas na taon sa ‘orchid naming event’.
Naging tradisyon sa Singapore na ipangalan ang variety ng unique orchid sa mga bumibisitang head of state na sa kasalukuyan ay nasa 180 na simula pa noong 1957, kung saan ipinangalan umano sa maybahay ng isang mataas na commissioner ng London ang isang variety.
Kasabay ng pagbubukas ng ‘Orchidarium’ sa Rizal Park na matatagpuan sa tabi ng estatwa ni Lapu-lapu, inaanyayahan ni NPDC excutive director Penelope Belmonte ang publiko na panoorin din ang pamumukadkad ng ‘Digong Orchid’ sa Mayo 14, 2017 na kabilang sa collection ng iba pang uri ng orchids.