BULACAN , Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang lolo matapos na mapisak ang buo nitong katawan dahil sa pagkakabangga ng isang trak sa sinasakyan nitong motorsiklo habang nagdadaan sa Brgy.Ulingao,San Rafel,Bulacan, kamakalawa ng hapon.
Naisugod pa sa Baliuag District Hospital subalit hindi na umabot pa nang buhay ang biktimang si Lorenzo Adriano, 69, tubero at residente ng Brgy.Bagong Nayon sa bayan ng Baliuag.
Kaagad namang sinampahan ng kaukulang kaso ang nakadetineng supek na si Erwin Etab 31, drayber at residente ng Brgy.San Vicente, Laur sa Nueva Ecija.
Base sa imbestigasyon ni SPO1 Christopher Aragon, dakong alas- 12:00 ng tanghali ay kasalukuyang tinatahak ng biktima ang kahabaan ng Cagayan Valley Road sa Brgy.Ulingao lulan ng motorsiklong SYM (CA-86801) patungo sa Hilagang direksyon habang patungo rin sa kapareho ring direksyon ang Isuzu Forward Truck (WRJ-821) na minamaneho naman ng suspek.
Pagsapit sa lugar ng insidente ay napatabi ang motorsiklo sa gilid na bahagi ng trak na naging dahilan upang mabuwal ang biktima saka nagulungan ng hulihang dalawang gulong ang buo nitong katawan na nagresulta ng kanyang kamatayan habang nawasak din ang motor nito.