MANILA, Philippines - Nagpasabog ng 59 Tomahawk cruise missiles ang Estados Unidos sa Syrian airbase.
Tugon ito ng Amerika matapos ang karumal-dumal na chemical weapon attack sa Khan Sheikhoun, Syria na ikinasawi ng mahigit 80 katao.
Nasira ng nasabing missile attack ang dosenang hangars, oil depot at air defense base ng Syrian government.
Pinuntirya ng US airstrike ang warplanes ng Syria na siyang responsable sa chemical attack na ikinasawi ng maraming sibilyan.
Dahil sa nasabing airstrike, iniulat na may pitong sundalong Syrian at limang sibilyan na nakatira sa village na kalapit ng airbase ang nasawi habang pito pa umano ang sugatan.
Ayon kay US Pres. Donald Trump, ang pagpatay sa mga inosente ang nagbunsod sa kanilang mabigat na aksyon.
“No child of God should ever suffer such horror,” ani Trump matapos makita ang mga imahe ng mga batang nasawi sa pag-atake. Ang strike ng US ang kauna-unahan nilang direktang military action laban kay Syrian President Bashar al-Assad kasunod ng ilang taon nang civil war sa nasabing bansa.
“Tonight, I ordered a targeted military strike on the air field in Syria from where the chemical attack was launched,” ayon kay Trump matapos ang kanyang maikling mensahe sa mga mamamahayag.
“There can be no dispute that Syria used banned chemical weapons, violated its obligations under the Chemical Weapons Convention and ignored the urging of the UN Security Council. Years of previous attempts at changing Assad’s behavior have all failed and failed very dramatically,” dagdag ni Trump
Kaugnay nito, mariing kinondena naman ng Iran at Russia ang US airstrikes sa Syria. Tinawag ni Russian President Vladimir Putin ang airstrike na “aggression against sovereign nation.”