MANILA, Philippines - Panibagong pasakit na naman sa mga motorista, ang nakaamba na namang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ito ang nabatid kahapon sa oil industry, na posibleng itaas ng 50 sentimos hanggang piso ang presyo ng gasolina, diesel at kerosene kasabay ng Mahal na Araw kung kailan mas maraming mga motorista ang bibiyahe.
Sa panig ng Department Of Energy (DOE), sinabi ni Director Melita Obillo ng Oil Industry Management Bureau, na ang pagtaas sa presyo sa produktong petrolyo ay bunsod ng planong pagpapalawig ng production freeze ng Organization of the Petroleum Exporting Countries.
Sa darating na Hunyo sana magtatapos ang ipinatupad na production freeze ng OPEC dahil sa sobrang supply ng langis.
Matatandaan, na nitong Martes lamang nang magpatupad ng dagdag singil sa produktong petrolyo ng mga kumpanya ng langis.