MANILA, Philippines - Hindi magpapatupad ng pullout sa tropa ng mga sundalo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng demand ng mga CPP-NDF-NPA para mabigyang daan ang pagpapalaya sa apat pang bihag kabilang ang tatlong sundalo sa Mindanao.
Ayon kay AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, hindi katanggap-tanggap ang kondisyon na inilalatag ng komunistang grupo na nais ng 10 araw na ceasefire at pullout ng tropa ng mga sundalo sa mga piling lugar sa CARAGA Region.
“This is unacceptable. We have identified areas where we need to pull out and they said these are the places where many of the movements of their group are being done and where the release is going to happen,” anang opisyal.
Kabilang pa sa mga nalalabing hostage ng NPA sina Pfc. Edwin Salan, binihag noong Enero 29 sa Alegria, Surigao del Norte; Pfc. Samuel Garay at Sgt. Solaiman Calucop, kapwa dinukot sa Columbio, Sultan Kudarat noong Pebrero 2 at PO2 Jerome Natividad na binihag naman sa Talakag, Bukidnon noong Pebrero 9, na pawang dinukot ngayong taon.
Ang mga lugar na nais ipatupad ng NDF ang SOMO (Suspension of Military Operations) at SOPO (Suspension of Police Operations) ay sa ilang bahagi ng Bukidnon, Agusan del Norte at Surigao del Norte.
Sinabi naman ni Army’s 4th Infantry Division (ID) Chief Major Gen. Benjamin Madrigal na ang deklarasyon ng SOMO ay prerogatibo ni Pangulong Duterte.
Binigyang diin ni Madrigal na kung nais ng mga rebeldeng komunista na palayain ang mga bihag ay maari naman itong gawin ng walang anumang kondisyon.
“As it happened in Davao, they were able to release their hostages there without any SOMO/SOPO. They can simply leave them to local officials without any fanfare,” anang opisyal.