MANILA, Philippines - Siniguro ni Pangulong Duterte na hindi siya pupuwedeng magkamali sa kanyang desisyon ng sibakin nito si DILG Sec. Mike Sueno dahil sa isyu ng katiwalian.
“I could never be misinformed. Abugado ako,” sabi ng Pangulo kaugnay sa pagsibak niya kay Sueno.
Iginiit pa ng Pangulo na marami pang public officials ang nakatakda niyang sibakin sa susunod na mga araw na nasangkot sa katiwalian.
Aniya, kamakalawa ay sinibak niya si Usec. Halmen Valdez na mula sa tanggapan ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr.
Bukod dito, may 92 opisyal at empleyado mula sa LTFRB at LTO ang sinibak na din ng Pangulo dahil sa katiwalian.
Kahit ang 2 fraternity brothers niya sa Bureau of Immigration ay sinibak niya ng masangkot sa corruptions gayundin ang kanyang campaign spokesman na si Peter Lavina ay sinibak niya ng masangkot sa anomalya.
Hindi rin nakaligtas sa batikos ng Pangulo ang Philippine Daily Inquirer at ABS-CBN.
Sinabi ng Pangulo, walanghiya ang ABS-CBN dahil matapos tanggapin ang kanyang pera ay hindi naman pinalabas nito ang kanyang political ad.
Inungkat din ni Duterte ang tax liabilities ng PDI sa gobyerno at binigyan niya ito ng deadline hanggang sa Lunes upang ayusin ang kanilang hindi nababayarang buwis.