MANILA, Philippines - Itinaas sa red alert status ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) ang buong CALABARZON (Calamba, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) kasunod ng 5.5 magnitude na lindol na tumama sa Batangas nitong Martes ng gabi at naramdaman din sa iba pang bahagi ng Luzon at Metro Manila.
Wala namang naitalang nasugatan at nasawi sa pagyanig na nakasentro sa hilagang kanluran ng Tingloy, Batangas.
“Our Operations Center has raised its alert status to red alert status to ensure proper monitoring, coordination and response to the affected areas,” pahayag ni RDRRMC Director Vicente Tomazar.
Napinsala ng lindol ang Batangas Capitol Building na tinatayang aabot sa P18 milyon ang halaga ng sira.
Naapektuhan din ang mga establisimyento at mga simbahan kabilang ang dinarayo tuwing Semana Santa na Saint Martin of Tours Basilica sa Taal na siglo na ang itinagal.
Bandang alas-?8:58 ng gabi base sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nang maramdaman ang 5.5 lindol sa Tingloy at Intensity V naman sa Malvar at Calatagan, pawang sa Batangas.
Intensity IV naman sa Makati City; Sta. Ana, Manila; Valenzuela City; Calamba, Laguna; Obando, Bulacan; Tagaytay City at mga bayan ng Imus at Indang, Cavite.
Intensity III sa Mandaluyong City, Pasay City, Quezon City, Lucena City; Mauban, Quezon; Dasmariñas at General Trias sa Cavite. Intensity II sa Talisay, Batangas at Abra de Ilog sa Occidental Mindoro.
Umaabot na sa 60 aftershocks ang naitala ng Phivolcs ang pinakahuli ay ?12:56 ng tanghali kahapon na may lakas na 2.0 magnitude at ang sentro ng lindol ay naitala sa hilagang silangan ng Mabini, Batangas.
Nabatid sa opisyal na kinansela na rin ang klase at trabaho sa ilang lugar sa Calabarzon bunga ng paglindol sa Batangas.
Sa Batangas City, inilikas pansamantala kamakalawa ng gabi ang mga pasyente sa Batangas Medical Center na nagpalipas ng magdamag sa labas ng pagamutan sa mga itinayong tent kabilang ang mga sanggol na nasa incubator matapos na magkaroon ng bitak ang mga konkretong dingding dito.
Gayunman, matapos ang pagi-inspeksyon ng mga inhinyero sa gusali kahapon ng umaga ay balik na sa normal ang operasyon sa nasabing ospital.
Ang mga naninirahan sa tabing dagat ay nagsilikas rin sa matataas na lugar na nagsibalik lamang matapos na magbigay ng abiso ang Phivolcs na pinawi ang pangamba ng tsunami.