Palasyo ‘go’ sa probe ng Tadeco-BuCor deal
MANILA, Philippines - Suportado ng Malacañang ang hakbang ng Department of Justice (DoJ) na magsagawa ng review at imbestigasyon kaugnay sa kuwestiyonableng kontrata ng Bureau of Corrections (BuCor) at the Tagum Agricultural Development Company, Inc. (Tadeco) na pagmamay-ari ni Davao del Norte 2nd District Rep. Antonio Floirendo, Jr.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, nakarating na sa tanggapan ng DoJ ang mga katanungan ni House Speaker [Pantaleon] Alvarez at nakatakdang bumuo ng komite o investigating body si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II upang magsagawa ng preliminary inquiries.
Ani Abella, layunin ng inbestigasyong malaman at mabusisi ang butas at irregularidad sa kontrata.
Hihintayin daw ng Malacañang ang resulta ng DoJ probe.
Una rito, iginiit ni Alvarez na dapat ideklarang “null and void” o walang bisa ang umano’y “lopsided” deal na pinasok ng Bucor sa Tadeco dahil luging-lugi daw ang pamahalaan sa kontrata. Bukod dito, labag din umano sa batas ang pagpasok ni Floirendo sa government contract dahil siya’y incumbent congressman nang pasukin ng kanilang kompanya ang joint venture agreement para sa mahigit 5,300 ektaryang lupa ng Davao Penal Colony na ginagamit bilang taniman ng saging ng Tadeco.
Ang nasabing kuwestiyonableng kontrata din ang dahilan ng isinampang kaso ni Alvarez laban kay Floirendo sa Office of the Ombudsman.
- Latest