Pulis sa Espinosa slay ipopromote sa serbisyo

MANILA, Philippines -  Bukod sa paggawad ng pardon sa mga pulis na sangkot sa pagpaslang kay dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, pababalikin at ipopromote pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa serbisyo ang mga ito.

Nangako si Duterte na ganap niyang susuportahan si Superintendent Marvin Marcos at mga tauhan nito kahit nakasuhan ang mga ito sa pagpaslang kay Espinosa at sa kapwa nito bilanggong si Raul Yap.

Ang hakbang na ito ng Pangulo ay isang pagpapakita ng pagsuporta niya sa mga pulis na sumusunod sa kanyang kautusan sa giyera laban sa droga.

“Shabu? Itong mga mayor sangkot sila diyan. At sa loob ng dalawang buwan, naging bilyonaryo na sila. Sabi ko nga publicly- wala hindi ako nakikialam ha- ‘yung pulis na naka-demanda pinatay nila si Albuera mayor,” sabi pa niya.

Sinabi ni Duterte na hindi siya nakialam sa pagsasampa ng kaso pero hahayaan niyang tumakbo ang proseso ng batas. Gayunman, kapag napatunayang nagkasala ang naturang mga pulis, gagamitin niya ang kapangyarihan niyang magbigay ng presidential pardon.

“Si Aguirre ang nagsampa ng kasong murder. Ang akin, hindi ako nakikialam baka sabihin nila nag-protect ako, no. Sabi ko, sige i-file lang. Pero iyon ang theory ng Department of Justice is under me, but his theory was that they were murdered,” dagdag ng Punong Ehekutibo.

Binanggit din ni Duterte na maaaring maniwala siya sa bersiyon ng pulisya na mayroong shootout. “Pero itong pulis ngayon nasabit, hindi ko rin puwedeng iwanan, hindi ko talaga puwedeng iwanan. Kasi baka nga talaga sinunod iyong utos ko to a tee,” wika niya.

“Ma-convict? Ay, walang problema. Magsibasa ng ‘you are hereby sentenced to.’ Ah, tatawan niyan, ‘Sir, convicted kami.’ ‘Sabihin mo sa judge sandali lang.’ Pardon o, bigay mo sa judge. Ipabasa mo sa judge. O pardon pala kayo lahat,” dagdag ng Pangulo.

Kapag nabigyan na ng pardon, ayon kay Duterte, ibabalik ang lahat ng karapatang pulitikal at sibil ng naturang mga pulis. Magpapalabas anya siya ng reinstatement order na may promotion nang one rank higher.

Show comments