MANILA, Philippines - Mahigpit na binabantayan ng Diocese of Surigao ang mga suspendidong minahan para makatiyak na hindi lalabag ang mga ito sa nakabinbing closure order ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sinabi ni Surigao Bishop Antonieto Cabajog, bumuo ang kanilang diocese ng monitoring team na magbabantay sa mga mining sites.
Sinabi ng Obispo na pabor siya sa pagpapasara ng mga minahan at pagpapaigting ng eco-tourism sa kanilang lalawigan.
“We can do alternatives and sa Surigao madaming natural resources na maganda sa eco-tourism, ‘yun lang sana ang mapaganda at ma-enhance, mas maganda ang eco-tourism kasi ang Surigao kilala bilang isang magandang puntahang lugar,” anang Obispo.
Naniniwala si Cabajog na kung magpapatuloy ang magandang nasimulan ng ahensya ay maiaangat na ang buhay ng mga mahihirap na apektado ng pagmimina.
Una nang nagkasundo ang pamahalaan at Simbahan na tuldukan na ang irresponsible mining sa bansa.