MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan sa Kamara ang P25 bilyong banana scam na kinasasangkutan umano ng Tagum Development Corp. (Tadeco) na pag-aari ni Davao del Norte Rep. Antonio “Tonyboy” Floirendo Jr.
Ipinahayag ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na susuportahan ng Makabayan ang House Resolution 867 ni Speaker Pantaleon Alvarez na nagpapaimbestiga sa umano’y “grossly disadvantageous contract” na pinasok ng Bureau of Corrections at Tadeco.
“Yes. We need to investigate and study the agreement (between BuCor and Tadeco) immediately. Seemingly, the terms appear disadvantageous to the government. This is why we need a public investigation,” pahayag ni Tinio sa inilabas na statement.
Sinabi ni Alvarez na nalulugi ang gobyerno ng P1 bilyon sa bawat taon o kabuuang P25 bilyon sa 25-year joint venture agreement na nilagdaan ng BuCor at Tadeco noong 2003 noong si Floirendo ang nakaupong Davao del Norte Rep. at ang kanyang pamilya ang kumokontrol sa Tadeco sa pamamagitan ng Anflo Management and Investment Corp. (Anflocor).
Sa ilalim ng kontrata na hindi na dumaan pa sa bidding, sinabi ni Alvarez na ang Tadeco ay nagbayad lamang ng guaranteed P5,000 per hectare para sa 5,308-hectare penal lands. Katumbas lamang ito ng P26.541 milyon kada taon o P663.525 milyon mula 2003 hanggang 2028.
Subalit base sa pagtataya ng mga agriculture experts, sinabi ni Alvarez na ang mga plantations na may kaparehong development scale (ang mga Floirendos ang nag-develop ng Davao Penal Colony property para maging world-class banana plantation mula nang manungkulan ang mga Marcos) ay puwedeng kumita ng P200,000 bawat ektarya. Nangangahulugan ito na ang Tadeco ay dapat magbayad ng P1.061 bilyon bawat taon o P26.525 bilyon para sa kabuuang 25-year contract.
Batay sa ganitong pagtataya, nawala o nalugi ang gobyerno ng P13 bilyon mula nang mag-umpisa ang kasunduan noong 2003. Kung hindi umano ititigil ng gobyerno ang maanomalyang kontrata, malulugi pa ito ng P12 bilyon sa susunod na 12 taon.
“The government should have been paid a higher amount because his family have benefited from the property way back in the Marcos administration in 1969. For me, his family have already enriched themselves form their long-term lease of the property. Their family would’ve not grown that rich without that government land. When it was renewed, they should’ve been not too greedy and given the rightful share of the government especially since he is a government official and a lawmaker,” pahayag pa ni Alvarez.