MANILA, Philippines - Pinanindigan ng Malacañang na legal at walang paglabag sa batas ang pagpasok sa kompromiso sa mga tax cases.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel (CPLC) Salvador Panelo, malinaw na pinapayagan sa batas ang kompromiso sa mga tax cases at walang paglabag dito si Pangulong Duterte.
Ayon kay Panelo, dapat ding alalahanin nina Department of Finance (DOF) Secretary Sonny Dominguez at Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Cesar Dulay na de kalibreng abogado si Pangulong Duterte at alam nito ang batas.
“The law allows compromises on tax cases. Always remember PRRD is a lawyer of caliber, he knows his law,” ayon kay Panelo.
Nilinaw pa ni Panelo na kailangan pa namang maisampa sa korte ang tax case bago pag-usapan ang kompromiso.
Naniniwala din si Panelo na maaring magbago ang posisyon nina Dominguez at Dulay para papayag na rin sa kompromiso sa Mighty Corp. sakaling isulong ng Pangulo.
“But first the case should be filed first in the court before any compromise is discussed. But the President is correct, compromise (to tax cases) is allowed by law, it is legal,” dagdag ni Panelo.
Naunang sinabi ni Duterte, na kukumbinsihin nito sina Dominguez at Dulay na pumayag na sa compromise deal basta rasonable kaysa paabutin sa matagalang proseso sa korte ang paghahabol sa mga tax evaders.
Inihayag kamakailan ni Pangulong Duterte na balak niyang magkaroon na lamang ng P3-billion compromised agreement sa Mighty Corp. na nahaharap sa P9.5 billion tax evasion case sa Department of Justice (DoJ).
Pangamba ng Pangulo na aabutin pa kasi ng dekada kung idadaan sa masalimuot na laban sa korte ang mga tax cases kaysa pumasok sa kompromiso para mapakinabangan na ang ibabayad na pera sa gobyerno.