MANILA, Philippines - Inoobliga ni Davao Rep. Karl Alexei Nograles ang pamunuan ng New York Times na mag-sorry kay Pangulong Duterte at sa sambayanang Filipino.
Dahil ito sa artikulo ni Richard Paddock na inilabas sa New York Times kung saan idinatalye niya ang pag-angat sa kapangyarihan ng Pangulo na balot ng karahasan.
Ayon kay Nograles, may bias ang artikulong ito dahil pinili lamang sa mga interview ang bahagi na hindi paborable sa Pangulo. Dahil dito sinira umano nito ang time-honored balance sa journalism para lamang masiraan ang interes ng bansa.
Tulad ng Malacañang, naniniwala rin ang kongresista na may mga grupo na nais talagang pasamain ang imahe ng Duterte administration.
Puna pa ni Nograles, na lumabas ang artikulo ni Paddock kasunod ng pagbubunyag ng isang dating Davao City broadcaster na si Ethel Cantos na nakabase ngayon sa New York City na mayroong mga grupo na lumilikom na ng pondo sa Amerika para sa mga anti-Duterte activities dito sa Pilipinas.