MANILA, Philippines - Para mapigilan ang paglaganap ng mga krimen at katiwalian sa gobyerno at bilang pakikiisa na rin sa kampanya kontra illegal na droga, nilagyan ng closed circuit television (CCT) camera ang buong mga pangunahing lansangan at tanggapan ng pamahalaan sa Dasmariñas, Cavite.
Sinabi ni Dasmariñas Rep. Jenny Barzaga na malaking tulong ang teknolohiya para labanan ang krimen at katiwalian kaya naglagay sila ng mahigit 100 CCTV sa lungsod.
Giit ni Barzaga, 80 CCTV ang nakalagay sa bawat tanggapan, loob at labas ng city hall maliban lang sa mga palikuran habang 101 CCTV naman ang naka-install sa mga kalsada.
Namahagi din ang kongresista at asawa nito na si Mayor Pidi Barzaga ng 1,500 handheld two-way radios sa mga pulis at barangay gayundin ang modernong patrol vehicle na Starex Vans na equipped ng sari-sariling tracking device at CCTV na kayang i-zoom ng hanggang 150 metro at kayang mag-360 degree turn.
Dahil na rin umano sa teknolohiya kaya live na mapapanood sa kanilang cable channel ang mga kuha mula sa CCTV camera kaya bukod sa mga kriminal na agad mahuhili ay mabibisto din ang mga tamad na empleyado ng City Hall at mga barangay kapitan at mga kagawad.