Final decision ng SC Justice binaligtad
MANILA, Philippines - Inireklamo ng kampo ng isang Korean trader si Justice Secretary Vitaliano Aguirre matapos baligtarin ang final at executory decision ng isang Supreme Court justice sa isang dayuhan na nauna nang inabswelto sa kaso.
Sa isang press conference, sinabi ni Atty. Redentor Viaje, binaligtad ni Sec. Aguirre ang executed decision na inisyu ni dating Justice Secretary at ngayon ay SC Associate Justice Alfredo Benjamin Caguiao.
Si Atty. Viaje ay abogado ng Korean trader na si Kang Tae Sik. Ipinaaresto ni Aguirre kahapon ang negosyante dahil sa kahalintulad na kaso na una ng ibinasura ni Caguiao.
Ayon kay Viaje, nagpalabas ng resolusyon si Aguirre sa kaso ng negosyante na may petsang Marso 7, 2017, na natanggap lamang ni Kang kamakalawa, at kaagad na siyang inaresto sa kanyang tanggapan sa Makati City ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI).
Ani Viaje, Enero 15, 2016 nang maglabas ng desisyon si dating DOJ Sec. Caguiao na pumapabor sa apela ni Kang kontra sa resolusyon ng BI na nag-uutos na maipa-deport ang negosyante sa Korea.
Sa kanyang desisyon, sinabi ni Caguiao na, “It would, indeed, be the height of injustice if we condone the deportation of upright individual, who has made this country his home for the last 38 years-absent any legal ground and merely on the basis of a complaint instituted by Appellant’s own former lawyers.”
Batay sa Supreme Court Decision sa kaso ng Lao Gi et al vs. BID, tanging ang BID lamang ang maaaring maghain ng motion for reconsideration at pinagbabawalan ang pribadong complainant sa pag-prosecute sa kaso.
Ani Atty. Viaje, hindi naman naghain ng motion for reconsideration sa kaso ang BI kaya’t naging final and executory na ito noon pang Pebrero 2016, na naglilinis sa pangalan ni Kang, laban sa anumang immigration case.
Ani Viaje, nasorpresa siya nang maupo si Aguirre sa DOJ ay bigyang na-revive ang kaso at binigyan ng due course ang motion for reconsideration ng isang Atty. Alex Tan hinggil dito. Si Tan ay dating abogado ni Kang na sa huli ay naging top member ng isang Korean group na nag-take over sa wine importation business ni Kang.
Mali din anya ang paratang na ang isang Kang Tae Sik ay pinuno ng isang Korean Mafia.
“My client was a victim of this what we called ‘Korean-Filipino Mafia’ not a leader,” sabi ni Viaje.
Dagdag pa ni Viaje, sinusubukan na ring isangkot ng sindikato ang kanyang kliyente sa Kidnap-slay kay Jee Ick Joo, bilang panibagong pagtatangka na ipa-deport ito at gipitin.
Noong Oktubre 2015, habang nakabinbin pa ang deportation case, inaresto na ng BI operatives si Kang, ngunit bago naipa-deport ay ipinag-utos ni Caguiao na i-release ito at kinastigo pa ang BI sa kanilang aksiyon.
- Latest