MANILA, Philippines - Isang motorista ang hinataw ng baseball bat ng kapwa nitong motorista matapos magkagitgitan at magkapikunan dahil sa away trapiko sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road kamakalawa sa Las Piñas City.
Kinilala ang sugatang si Benjamin Reynante at ang suspek na si Alberto Medrano.
Ayon sa traffic enforcer na si Melchor Llamoso ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente alas-4:30 ng hapon sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road ng naturang siyudad.
Nabatid na bumaba ang asawa ni Alberto na kinilalang si Maria Medrano mula sa dark gray nitong kotseng Mitsubisi Mirage at kinumpronta ang nakagitgitang driver ng Mitsubishi Montero na si Reynante.
Sa gitna ng argumento ay bumaba mula sa kotse ang asawa ni Maria na si Alberto, na may dalang baseball bat.
Sa unang pag-atake ay naawat pa ng enforcer si Alberto, subalit muling nakabuwelo ang suspek at hinataw ng dalawang beses sa braso at isa sa likod si Reynante.
Naawat na lang ang suspect nang may rumespondeng mga pulis.
Desidido ang biktima na magsampa ng reklamo laban sa suspek.
Paliwanang naman ni Mrs. Medrano, sinenyasan daw kasi siya ni Reynante ng masama at kinunan ng litrato nang magkagitgitan ang mga ito.
Payo ng pulisya sa mga motorista magbaon ng mahabang pasensiya upang hindi magkasakitan sa kalsada.